
Tingin ka naman sa’kin. Kahit isang irap lang. Alam mo namang sa gitna ng usok ng mga tambutso, busina’t radyo, mga mata mo lang na tutok na tutok ang magpapakalma ng aking sistema. Siguro dapat kang gawan ng billboard na idi-display sa EDSA para maging mapayapa ang Maynila. Dahil kung ako yung drayber ng kakarag-karag na dyip na ito, malamok, susunod ako sa lahat ng batas-trapiko at hihinto ako sa lahat ng stoplight kahit wala pa sa pula ang ilaw para lang magtagal sa harap ng iyong ngiti.
Ngunit pasahero lang ako sa ngayon, hindi makababa sa pumapaspas at walang direksyong sasakyan ng dibdib mo. Maaari mo akong ibaba kahit saang kanto dahil hindi naman ako nagbayad, nag 1-2-3 lang, nagkunwaring natutulog para hindi singilin. Kaya nga pwede mo marahil akong pababain sa susunod na kanto kung saan bumaba rin sa mga naunang biyahe ang mga naunang pumara sa iyo. Karamihan sa kanila nauntog pa sa bubong ng dyip, bukol. Tagal na nilang nilalagyan ng gamot pero hindi gumagaling.
Kaya nga, miss, miss na kulot, miss na nayayamot, miss ng lahat ng masasalimuot at malalambot, miss na nanunuot sa’king ilong, nanlalasing sa’king utak, miss na minsan lang kumirot, miss na miss kita. Miss, pwede ba, isang tingin lang? Kahit irap lang?
Nakakatagtag itong kalye, sira-sirang adobe, samantalang ang Adobe ay nangre-retoke. Lagi tayong muntik sumalpok sa susunod na tao sa ating harapan. Trapik kasi, lagi naman. Wala pa tayong seatbelt. Cheap ba tayo? Siguro, ako lang. Basta, ang nais ko lang naman ay hawakan ang iyong kamay kahit pa namamasma na tayong dalawa at nanlalagkit na. Subalit anong lagkit man, pilit pa rin akong didikit at didikit sa iyo, parang linta. Sana ‘di ka mandiri o mangati (ngunit totoo, minsan, pinapantal ka) sa pagsipsip ko sa iyong dugo na lasang adobo ng aking ina.
Kung suswertehin ako, baka tumugtog sa isip mo ang mga tugtog ko pag nasa himpapawid ka na. Pupunta kong mag-isa sa Quiapo Church na sobrang lansa at luluhod sa diyos ko nung elementary. Magdarasal ako na, “Sana po, siya’y bumalik. Sana hindi pa iyon ang huling halik.”
“Sige na naman, mag-aalay ako dito kahit linggu-linggo ng sampagitang bibilhin ko sa lahat ng batang kalsada. Magiging mabuti ako sa kanila, mas mabuti pa sa World Vision. Isasabit ko sa inyo ang mababangong bulaklak at baka maalala ko rin ang lahat ng alaalang mahalimuyak kasama sya. Kahit araw-araw, pipila ko para sa ostya, para lang matandaan ko yung mga maiinit na araw na nagkukumahog kami para abutan ang tren, lakpas ala sais ng umaga.”
“Kung maaari lang po, kayo nama’y makapangyarihan. Dalhin nyo naman sya sa’kin upang sumarap naman ang bawat tanghalian. Kung makikita nyo lang kasi kung gaano katarik ang aking damdamin, kung ano ang kaya kong gawin para sa lang sa mumunting tingin, mauunawaan nyo kung anong puno’t dulo ng lahat; kung bakit ako nagpapakabaliw at tumatayang baka mapanghinawaan nya sa hinaharap. Dahil poon, poon ng lahat ng kapit sa patalim at adik sa pangangarap, sya lamang po ang pinakamasayang nangyari sa aking buhay.”
“Amen.”
Pagkatapos, lalabas ako ng simbahan sa ilalim ng sikat ng araw. Pilit kong tatandaan kung ano nga ba ang iyong pangalan — Simang ba, Salome, Cherry, Sharaming, Shalimar, Mae, Meng, Chemz, o Che–Che–nasa dulo na ng dila ko! Tang’na. Nagtatago ka kasi sa bawat babaeng dumaraan. Namamahay sa bawat dumadaloy na tinig sa aking tenga. Dala ka ng alon ng mga dagat at mga blangkong Sabado’t Linggo sa kama. Sana may kabuluhan ang lahat bagamat lubog ako sa panaginip. Sana hindi mainip sa aking nais ipahiwatig. Dahil kung sino ka mang umuusig sa’king bawat paggising, alam kong mahal kita, noon, ngayon, at kahit maubos na itong mga salita’t titik.
2 Comments
June 29, 2009 at 4:21 am
Nais ko lamang sabihin sa lahat ng makakabasa nito: Hindi obsessed si Marvin. Romantiko lang siya’t magaling magsulat. Haha.
) Langya!
And by the way, it’s Socorro.
June 29, 2009 at 5:28 am
Of course not. I’m obsessed.
Ah, I see, Socorro. I’m Perfecto. Haha.