Edi Naging si Shaider Sana Ako

Meron yata akong messiah complex.

Kahit noong bata pa ako, lagi ko nang iniisip na ako ang bida sa istorya at may kailangan akong sagipin. Para akong si Shaider, merong Laser Blade, Blue Hawk, at robot para patumbahin ang mga kalabang halimaw na mukhang higanteng gomang dinosaurs. Dati rin, ginagaya ko si Mask Rider Black tapos kunyari umuusok yung katawan ko dahil sa nag-uumapaw na kapangyarihan. Tapos magra-Rider Punch at Rider Kick ako sa ere para gapiin ang isang invisible na kampon ng kadiliman.

Merong magandang babae sa huli ng istorya na kakalasin ko mula sa mga makamandag na lubid o nangangaing halaman, at hahalikan nya ko kahit nakamaskara pa ko. Babalik ako sa isang sulok ng lungsod, magta-transform, at magiging normal na nerd na lalaki ulit.

Pero nung tumanda ako, napagtanto ko na hindi lahat ng tao — hindi lahat ng babae — kailangang sagipin. Sa totoo lang, marami sa kanila ang mas malakas pa sa’ken. Ako pa nga ang dapat nilang akayin palabas ng madilim na kuweba at itayo sa mga paa sa huli ng istorya. Nakakainis na malamang hindi pala ako ang nag-iisang bida sa kuwento na ito. Akala ko dati ako ang protagonist at side characters lang ‘tong mga mukha sa paligid, pero may mga sarili din pala silang bungkos ng mga pahina. At minsan, mas interesante pa nga ang mga twist nila kesa dito sa nobela ko.

Hanggang ngayon, wala yata akong pinagbago. Gusto ko pa rin manligtas ng ibang tao — higit sa lahat, gusto kitang iligtas.

Hindi naman kailangan. Malinaw naman na hindi malinaw ang tama at ang mali. Malinaw naman kung sinong mas may ibubuga, kung sinong mas may tapang at experience, pero hindi ko pa rin maalis sa sistema ko na gustuhing isalba ka.

Kasi kung ako lang ang masusunod, nais ko talagang bumalik sa oras at malipat ng ibang lokasyon sa kasaysayan. Gusto ko sana nandon ako sa Ilocos o sa Baguio. Do’n dapat ako lumaki, natutong mag-drowing, nakipag-langit-lupa, Monkey-Anabelle, elementary at high school.

Kung nando’n lang ako magiging crush kita. Hindi mo ko papansinin pero ido-drawing kita araw-araw. Magsusulat ako ng mga baduy na tula na ipapahulog ko sa bag mo sa tulong ng best friend ko (dapat nandon si D’Artagnan). Tapos magugulat ka na lang kasi meron na do’ng trying hard na english love poem tungkol sa kung paano mo nai-inspire ang isang taong iniisnab-isnab mo lang. Titingin lang ako at mangangarap habang kasama mo boyfriend mo. Magpapansin lang ako sa klase sa pamamagitan ng mga korning jokes para baka sakaling lumingon ka sa direksyon ko. Masaya na ‘ko nun. Makakapag-aral na ko ng maayos nun.

Tapos sa Baguio, magpapakalublob lang ako sa library kahit hindi gaanong malaki yung library sa UP Baguio. Hahanapin ko kung sa’n yung mga gigs mo, tapos i-schedule ko ng walang sablay para makapunta ko sa lahat. Do’n lang ako sa mga suluk-sulok, parang stalker pero mas masaya naman siguro. Kasama ko malamang si D’Artagnan, tapos iinom kami habang pinapanood kang kumanta at magwala sa stage.

Sa labas, madadatnan nanaman kitang inaaya ng boyfriend mong umuwi. Baka nag-aaway kayo, baka sinasaktan ka nya, ‘di ko alam, pero kung dalawa lang kayo do’n, makiki-epal ako. “‘Tol, wag kang nananakit ng babae!” Magagalit sya at mahihiya ako pero baka manaig yung ka-Shaideran ko. Sana hindi ako umuwing pasa-pasa.

O kaya kahit pakapalan na ng mukha, mag-aabot ulit ako ng love letter sa paborito kong bokalista. Ipapabigay ko kay D’Artagnan kasi mas makapal mukha no’n sa’kin eh. “Abot mo naman sa kanya o. Sabihin mo galing kay Codename Tomas.” Tapos sa susunod na makita kita, aasahan kong bigla mong bubuklatin yung sulat na yun at babasahin mo ng nakangiti habang umiinom ka ng kape at naninigarilyo. Masaya na ko nun. Makakatulog na ko ng mahimbing nun.

At kung sakali mang suwertehin ako, magkaro’n ng himala at maging kaibigan mo ‘ko, tatawagin ko talaga atensyon mo ‘pag may inuman. Hindi ako papayag na paglaruan ka lang ng mga lalaking hindi naman kayang tapatan ako sa sayawan. Hindi kita hahayaang mag-isa. Magpapatawa ako para ngumisi ka man lang o mag-comment ng “Korni mo!” Kakalabitin kita ‘pag malayo tingin mo at aalukin kita ng Chippy. Kailangan mo akong itapon para lubayan kita. Yun ay, kung bibigyan mo yung tagahanga mo ng pagkakataong lumapit sa’yo. Kasi sa totoo lang, sa sobrang taas ng pagtingin ko sa’yo, baka tumakbo ako pag kinausap mo ‘ko.

Pero sasagipin kita. Susubukan ko kahit wala ‘kong powers tulad nung ibang characters; kahit hindi mo ko halikan sa huli habang nakamaskara pa ko.

Share

4 Comments

Filed under Life, Love, Random Thoughts

4 responses to “Edi Naging si Shaider Sana Ako

  1. magnifika

    Nyay! Pauwi na tayo pero pacomment! Iyak na me! Cocomment uli ako mamayang gabi!

    I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you I love you hanggang masuka kaaaaaaaaa!

    Kahit yung mga papansin moves mo e parang familiar at nagawa mo na sa iba dahil gaya mo hindi lang ako ang bida sa kwento hahaha

  2. moonwalkerwiz

    I love you too! (Gusto ko ring damihan pero wala nang originality, hehe).

    Ikaw lang ang Annie ko kung ako si Shaider. Ire-rescue kita mula sa mga pangit na nilalang. Isasakay kita sa jet ko. Gagawin ko lahat para ‘di ka na masaktan ulit.

    I love you!!! 🙂

  3. magnifika

    Pero di nga, papansinin pa rin kita kung parte ka man ng past ko. Kasi, you know naman me, easy to get. HAHAHAHAHA. 😀

  4. moonwalkerwiz

    BUT extremely hard to keep. 😀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s