‘Wag Mo Muna ‘Kong Burahin

‘Wag mo muna ‘kong burahin!
Naghahalungkat ka ba ng eraser?
Tigil.
Hinga ng malalim.
Buhos ng tubig
Sa baso kahit walang lamig.
Lunok.
Hep! Hep! Pero hindi kita tinuturuang lumunok.
Ang kailangan yata natin ay humigop
Ng sabaw ng tinola,
Murang-mura, parang ikaw at ako
Dati.

Hayan, tama na ang tula.
Limang beses ko itong sinimulan.
Yung mga nauna pa-Balagtas pa,
Wala namang kwenta.
Yung mga nauna pa-drama pa,
Nakakaantok naman.
Yung mga nauna palalim pa,
Eh simple lang naman
Ang dapat mong malaman
At nais kong maunawaan.

Ganito yun.
Minsan sumisipsip ako
Ng kape, kumukulong tubig, tatanga-tanga.
Natabig ko
Nang hindi sinasadya.
Natapon sa aking briefs.
Dali-dali akong pumunta sa lababo,
Nagbuhos
Hanggang nagkaro’n
Ng malamig na dagat
Sa semento.

Ganito yun.
Minsan may isang batang kalsada
Tinawag akong “kuba”
Hinampas ko sa ulo ng kartolina.

Ganito yun.
Minsan sinimulan ko ng umaga
Natapos ako ng gabi.

Ganito yun.

Hindi totoo ang lahat
Pero may nais akong sabihin.

Malabo ang bukas
Ngunit nais kong aninagin
Kasama ka sa mga lupaing
Mga paa lamang natin ang tatahak.

Kung pwede ko lang lagyan ng straw ang utak mo
Para tiyan ko na lang ang kikirot
Sa malapot na lason ng aking tinig.
Mahal ko, mahal ko,
Hindi totoo ang lahat
Pero may nais akong sabihin.

Kung pwede ko lang lagyan ng padding
Ang mga dingding
Upang wala nang kakalampag
Sa tuwing tayo’y magdadabog,
Walang labang magpapabihag
Sa mga hawlang
Tinago natin ang susi nito lang umaga.

Nito lang umaga, gumising ako, umaamuy-amoy
Parang isang asong nakasinghot ng adobo.
Nasa’n na yun?
Wala…
Wala rito…
Nasa ilalim yata ng unan…
Wala rin…
Nasa loob yata ng medyas ko…
Tingnan nga!
Wala rin.

Ay.

Nasa likod na pala ng pinto.
Wala nang ganang magpaalam.

(Ilang stanzas pa ‘to, matagal pa
Kasi naman ‘di ko pa masilayan
Ang susunod na parating na tren.
Baka naipit sa may Cubao
Kung sa’n mabantot ang hangin.)

Gaya nga ng sinasabi ko
At sinasabi mo,
Kulang tayo sa pagkain,
Wala akong lalamunin mamayang gabi.

Tapos sabi ko nga,
Sabi mo nga,
Kulang ako sa lambing,
Wala akong aakapin at walang maghihilik.

Ewan ko ba.
Ikaw lang naman ang tulang limang beses kong sisimulan,
Kahit ang mga nauna’y pa-Balagtas, pa-drama’t, palalim pa.
Ewan ko ba, mahal ko,
Simple lang naman
Ang dapat mong malaman
At kailangan ‘kong matutunan.

Ayoko na ng manghuhula,
Mababaho, malalagkit na mga baraha.
‘Di na ko aasa sa pantasya.
Susundan kita magkandarapa man ako’t
Tuksuhin ng “kuba”
Sa susunod na kalsada.

O… o…
Naghahalungkat ka nanaman ba ng mascara?
Tigil.
Hinga ng malalim.

Hinga
Ng malalim.

Baka mas tamang maghubad tayo,
Kita buto,
Tanggalin ang ating balat,
“Wag magbuklat ng anumang aklat,
‘Wag sirain ang lahat,
Tiisin muna ang alat,
At makinig sa’ting mga puso.

O!
Naman!
‘Wag muna!
Hinga ng malalim.
Buhos ng tubig
Sa baso kahit walang lamig.
Lunok.
Hintayin natin ang bukas, baka bwenas.
Dahil mahal ko,
Mahal ko,
Hindi ko kayang mawala ka,
Mangulila sa ‘di nasilayang eroplano.

Teka.
Bibili lamang ako ng gamot,
Magtitimpla muna ng milo,
Papagpagan muna ang mga unan,
Pilit ka munang hahagkan.
Mahal ko,
‘Wag mo muna ‘kong burahin.

6 Comments

Filed under Love, Poems

6 responses to “‘Wag Mo Muna ‘Kong Burahin

  1. magnifika

    Yay. Labyu.

  2. moonwalkerwiz

    Labyu2. Dibidileyter.

  3. moonwalkerwizfan

    ang galing mo talaga idol!

    • moonwalkerwiz

      Naku, salamat po. Hehe. Inspired kasi yung tula kaya ganyan. 😀

      Pwede pong malaman kung sino sila? Haha.

  4. moonwalkerwiz

    Hehe, ok. Salamat ng marami! 🙂 Good luck sa’yo, moonwalkerwizfan. 😀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s