Halika, Basahin Mo Ako.

Halika, basahin mo ako.

Meron akong sasabihin sa’yo na hindi mo maririnig mula sa ibang bibig sa paligid mo — mga bibig na sobrang dada, sobrang daming sinasabi, gusto kang lektyuran kung paano sumakay ng tricycle, humanap ng boyfriend, magsuot ng saplot. Meron akong sasabihin sa’yo kahit wala akong bibig. Meron kang maririnig kahit na walang laway na tatalsik sa mukha mo. Dito sa mumunti kong espasyo na binudburan ng mga salita, narito marahil ang katotohanang magpapaiyak sa’yo.

Dito ko pwedeng sabihin, “Tinitigasan ako” at walang bubusal sa aking bibig. Ito ang aking teritoryo, ang aking sariling kaharian. Ang mga titik “P” at “U,” o “T” at “A” ay aking mga sundalo, handa akong ipagtanggol mula sa mga barbaro kong kalaban na hindi marunong bumasa’t sumulat. Ang mga salita ko rito ay bala, ang mga pangungusap kanyon, mga talata, bomba. At ito, itong artikulo ko, ay isang deklarasyon at aksyon ng digmaan laban sa mga barbaro.

Tutok sa mga salita, habulin mo ang aking tuldok.

Narito sya.

Heto.

Sa dulo.

Hindi mo ko kayang pigilan.

Kailangan mong habulin ang aking tuldok hanggang mapagod ang iyong utak na marupok at kulang sa bitamina. Wala kang magagawa kundi laruin ang aking laro, umindak sa tugtuging ipapataw ko sa’yo.

Ngayon, matutunan mo munang itikom ang iyong basa at makating bibig. At habang sinasara mo ang iyong mga labi, isipin mong mabuti na tumitikom din ang buong mundo. Nilalamon ng isang matamis na katahimikan ang mga kalye, mga tahanan, mga mall. Hindi mo na marinig ang iyong kaibigan. Tila napipi na ang iyong guro. Wala nang silbi ang iyong mga magulang.

Ang tanging may saysay na lang ay ang aking artikulo.

Isang artikulong unti-unting bumubulong.

Nahuli ba ng iyong kanang tenga? Subukan mo yung kaliwa.

Isang artikulong dahan-dahang lumalakas, napupuno ng tapang; isang artikulong gumagapang sa iyong gunita, inaakap ang iyong imahinasyon.

Ayan na, tumataas na ang boses, nanginginig ang ngalangala, sumisigaw na, humihiyaw na — parang ambulansya! Nabubulabog na ngayon ang mga kalye, mga tahanan, mga mall! Nagkakagulo na! Digmaan! Digmaan! Dinggin ang tinig ko mula Cubao hanggang Cyprus! Bibingihin kita at papasabugin ang iyong kokote!

Ngayon, hindi ka na birhen. Pinagpasasaan na kita.

Akin na ang iyong buo at umiibig na atensyon.

Halika, basahin mo ako.

Sinungaling ang mga tao. Sasabihin nila sa’yo na masaya sa simbahan kahit boring do’n. Irerekomenda nila na basahin mo ang bibliya kahit na masyadong maliit ang mga titik, masakit sa mata, at nakakaantok. Isasaksak nila sa baga mo na ikaw ay isang nurse samantalang isa kang pintor o arkitek. Papaniwalain ka nilang masamang magmura kahit na marami namang kamura-mura sa iyong paligid.

Putang ina. Nakita mo yung kawawang bata sa kalye na yun? Putang ina. Ibuka mo ang iyong bibig. Sundan mo ako.

Pu…

Tang…

I…

Na…

Putang ina.

Putang ina talaga.

Masarap ba? Masarap ang bawal dahil nasa bawal ang natural. Ang hangin, ang gabi, ang araw, ang lupa, ang mga puno at sanlaksang hayop sa daigdig ay nasa bawat isang bawal na salita. Kaya masarap magmura dahil nagiging isa ka sa mundo.

Putang ina.

Kapag binanggit mo, wala ka nang itatapon. Hindi mo na kailangan ng salbasyon. Ikaw ay buo na, iisa na ang damdamin sa hangin, sa gabi, sa araw, at sa lupa. Basura na sa iyo ang garantiya ng sinuman na may nakareserbang upuan sa langit para sa iyong pwet. Tanggap mo na kung sino ka at ano ka. Isa kang tao. Tanggap mo na na marumi ang idolo ng santo sa altar mo, nakakakiliti ang dila ng ibang tao sa iyong balat, nakakainggit ang katawan ng mga kabataan, at mas malinis pa ang tamod kesa sa adobo sa iyong hapag.

Wala nang rason para sa iskandalo dahil ang iskandalo’y para lamang sa mga barbaro.

Tanggap mo na ang lahat ngunit hindi mo kailangang maging mabuting tupa. Sa halip, tuturuan kitang magalit. Ipapakita ko sa’yo kung paano itakwil ang dapat itakwil.

Merong kasamaan sapagkat may nosyon tayo ng kung ano ang dapat at matuwid. Hindi mo kailangan ng diyos upang mapagtanto na maraming sira na kailangang butingtingin at ayusin.

Merong masasamang tao.

Nananakit ang masasamang tao.

Gugustuhin nilang mamilipit ka sa kirot para sa sarili nilang sarap. May iba na paulit-ulit na itatanim sa isip mo na mahal ka nila ngunit mahal ka lamang nila bilang isang instrumento. Isa ka lang martilyo sa kanila, wallet, kolorete, tiket, sangkalan, arinola, kubeta, o magasin na pagjajakulan. Mahal ka nila dahil humahalinghing sila sa hagod mo.

At dahil hila-hila ka ngayon ng aking tinig, inuutusan kita: itakwil mo sila. Itapon mo sila sa pinakamalalim na basurahan at ibaon sa lupa, huwag lagyan ng anumang marka. Subalit magtanim ka ng poot at galit sa kanila. Sa poot at galit mo lamang matututunan ang mga leksyon na hindi sa iyo ituturo ng kahit sinong magulang, guro o pari. Ikunot mo ang iyong noo at bilugin ang iyong mga kamao.

Matuto kang lumaban dahil mga barbaro sila, mga ipoktrito.

Kunwari matatalino, hindi naman alam kung ano ang hustisya; kung umasta’y mga relihiyoso ngunit nagtatago naman ng maiitim at nakakasukang lihim; matataas magsalita kahit blangko naman ang sinasabi; nag-aalala kuno samantalang pipi’t bulag naman sa iyong pinakamalalalim na pangangailangan; hahaplusin ka sa umaga ngunit lalapastanganin ka naman sa gabi; pupurihin ka sa iyong harap subalit pagbubulung-bulungan ka naman ‘pag ika’y nakatalikod; ngingitian ka kahit gusto ka naman talagang ipakulam; mabubuti kunwari nguit masasama naman.

Itakwil mo sila dahil hindi sila dapat ginagalang, sinusuklian, minamahal. Itakwil mo sila kasama ng iba pang walang lohika o rasong bagay sa iyong buhay — mga bagay na pinapaikut-ikot ka lang sa kanilang mga palad.

Hindi mo kailangan ng supot na mga leksyon, supot na institusyon, at supot na mga taga-aruga.

Maging buo ka, parang hangin, gabi at lupa.

Ipagpatuloy mo kung ano ang totoo. Sabihin mo kung ano ang matapat at walang bahid ng pretensyon. Abutin mo ang tuktok, walang pakialam kung magkandahulog man ang iba at pumutok ang mga ulo. Wag mong kalimutang ika’y mamamatay sa katapusan ng istorya. Tumalon ka na! Ngayon na! Habulin mo ang aking tuldok!

‘Wag kang susuko! Padyak!

Nando’n ako sa tabi ng letrang “G.”

Umiiwas ako sa mga margin at binubuyangyang ang aking sarili.

Habol!

Nasa likod na ko ng iyong mga aklat, wala sa Table of Contents.

Naro’n ako sa harap ng iyong mga kaibigan, pinagtatawanan sila ngunit ‘di ako nakikita.

Pinupunit ko ang iyong hymen ng ‘di mo nalalaman.

Lumalagi ako sa gunita mo habang ika’y mahimbing na natutulog.

Habol…

Malapit na…

Diretso lang. ‘Wag mo nang iabot ang pamasahe.

‘Wag kang liliko sapagkat hawak mo ang katotohanan.

Aakayin ka ng aking tuldok mula sa iyong hawla, palabas sa alapaap.

Lahat ng ito dahil sinimulan mo at pagpapatuloy mo.

Lahat ng ito dahil binasa mo ako.

Leave a comment

Filed under Random Thoughts

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s