Cowboy na Kumakain ng Pizza sa Ortigas

Isa sa mga pangarap ko ang sumakay ng kabayo habang kumakain ng mainit, mabango, malaman, maalat at maasim-asim na pizza. Eh kasi naman, ‘di pa ko nakakasakay ng kabayo sa ta’ ng buhay ko, pero mahilig ako sa mga cowboy films kung sa’n laging nangangabayo at namamaril ang mga bida sa harap ng papalubog na araw, pwera lang Brokeback Mountain. Gayundin, mahilig ako sa pizza kasi angsarap-sarap nito at angmahal-mahal. Kadalasan nga, parang nagpapasarap sa kanya yung presyo nya. Gano’n naman yata lahat ng bagay.

Gusto ko talagang magsuot ng cowboy hat, sumampa sa kabayo, umakyat sa isang cliff, at dahan-dahang masdan ang kabuuan ng mundo sa aking mga paa at mga kuko ng aking kabayo. Bigla ko lang naisip, mas ok kung papangalanan ko ang kabayo ko na “Matias.” Kulay tsokolate sya at nag-aapoy ang mga mata lalo na pag may nakitang makikinis na kabayong babae. Si Matias at ako — naka-cowboy hat — sa tuktok ng isang cliff, pinapanood ang buong daigdig — ‘di ba’t kayganda?

Tapos sa loob ng sukbit kong bag, huhugutin ko ang isang kahon ng mainit, mabango, malaman, maalat at maasim-asim na pizza. Hindi ko masabi kung anong brand basta kasinglaki sya ng Sbarro, kasinglasa ng Yellow Cab at kasing-arte ng Pizza Hut, may stuffed crust at kung anu-ano pang pampabongga. Ginamit ko yung salitang “bongga” pero hindi ako Brokeback. Tawagin na nila akong homophobic pero isa akong tigasing cowboy na kumakain ng umuusok na pizza sa tuktok ng isang cliff.

Tapos sasakyan ko si Matias hanggang Ortigas. Magkakatrapik-trapik dahil hindi sanay ang mga tao na makakita ng isang cowboy na kumakain ng pizza sa gitna ng kalsada. Maluluma kahit anong sasakyan, kahit yung pinakabagong model pa ng Ford o BMW. Kasi sa totoo lang, pare-pareho naman ang itsura ng mga kotse. Lumalaki lang, lumiliit, numinipis, lumalapad, nadudumihan, kumikinang — pero kotse pa rin, apat ang gulong, ang usok masakit sa ilong, at sayang lang dahil hindi makausad sa buhul-buhol na trapik ng Maynila. Eh yung kabayo ko, kabayo yun. Kulay brown at nag-aapoy ang mga mata lalo na ‘pag nakakakita ng mga makikinis na kabayong babae. Pagtitinginan talaga kami ng mga tao kasi espesyal kami at wala kaming brand.

Bilang isang cowboy, marami akong gustong barilin pero ‘di ko sila babarilin dahil mabuti pa rin naman akong mamamayan ng Pilipinas. Pero kung ako lang, lalagyan ko ng gripo sa tyan sana yung mga taxi drayber na pihikan sa pasahero, mas mabilis pa kay Matias yung metro, bastos makipag-usap at laging walang barya. Gusto mo silang isumbong sa LTO pero tangina, parang gusto mo ring barilin ang mga nagpapatakbo sa gobyerno bilang cowboy. Isa ko pang gustong barilin, mga security guard na kung makatingin eh ‘kala mo pulis sila. Lalo na yung kung manghingi ng ID eh ‘kala mo hindi ka pumapasok sa parehong gusali araw-araw. Sino pa ba? Basta minsan parang gusto mo na lang mambaril ng random na emo o jologs sa kalsada. Ewan ko ba, bilang cowboy siguro, medyo insecure ka rin.

Siguro mas ok kung iipot si Matias sa sidewalk sa tabi ng mga corporate na tao na naka-suit at nakapormal na dress. Kasi pag ganito, mayayanig ang buong sansinukob. Tae ng kabayo ng cowboy na kumakain ng pizza sa tabi ng isang lalaking mayamang naka-Amerkana sa Ortigas? Grabe. Hindi kakayanin ng kalawakan ang sitwasyon at matutumba pati ang diyos, baka mahulog at lumagpak sa mga butas na yero ng mga squatter sa Sinag Tala na inagos ng mga baha ni Ondoy.

Kaya nga iipot si Matias sa harap nila. Bago pa kami mahuli ng mga MMDA, matulin kaming tatakbo papunta sa parking ng Tycoon Centre Condominium, kung saan itatali ko ang kabayo ko sa poste. Sasakay ako ng elevator habang lumalamon ako ng pizza, nalalaglag ang mga piraso ng pepperoni’t olives sa labi ko. Tataasan ako ng kilay ng mga kababaihang may matatapang na pabango pero wala akong pakialam kasi hindi naman sila mga artista. Sa artista lang ako nasisilaw at sa girlfriend ko.

Pagpasok ko ng opisina, tutuyain ako ng lahat kasi meron akong cowboy hat. Sasabihin ko sa kanila, “Cowboy ako eh, pero hindi Brokeback.” Tatawa sila kasi sa wakas mabubuo na rin ang paniniwala nilang may tililing nga talaga ko. Ginamit ko yung salitang “tililing” kasi kawawa naman yung salitang yun; wala nang gumagamit simula nung naluma yung kantang, “Dangkin donats, tingalingaling poknat.” Kung ‘di nyo alam yung kantang yun, baka inimbento ko lang yun nung bata ako.

Pero yun nga, uupo ako sa upuan ko at tatanggalin ko ang aking cowboy hat ng may pag-aalinlangan. Sana kasi cowboy na lang tayong lahat habambuhay — nangangabayo at namamaril sa harap ng papalubog na araw. Pero hinde, kaya kailangang ilapag ang cowboy hat. Kamusta na kaya si Matias? Isang huling subo ng pizza, sabay bukas ng computer. Writer kasi ako sa Ortigas kaya ngayon, kailangan ko nanamang sumulat ng isang kwela at bumebentang artikulo para mabuhay. Ngayong araw na ‘to, makapagsulat nga ng isang pirasong bago sa panlasa. Yung angat naman sa mga diskusyon tungkol sa gobyernong bulok at palpak na pag-ibig. Alam ko na. Merong isang lalaking pangarap ang sumakay ng kabayo habang kumakain ng mainit, mabango, malaman, maalat at maasim-asim na pizza. Eh kasi naman, ‘di pa sya nakakasakay ng kabayo sa ta’ ng buhay nya, pero mahilig sya sa mga cowboy films.

2 Comments

Filed under Random Thoughts

2 responses to “Cowboy na Kumakain ng Pizza sa Ortigas

  1. koboy

    Gusto ko rin mangabayo 😦 yung totoo ha, hindi yung horseback sa Maynila…

    Branches:

    Men – Q.C. Circle / Ali Mall
    Women – Qave

    *rates

    Powder – P350
    Lotion – P500

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s