Oras

Pwede bang ‘wag ka nang magtampo dahil malapit nang magunaw ang mundo?

Hinog na kasi ‘tong maliit na mundong ginagalawan natin, pero hindi parang isang atis na siniksik lang sa sako ng bigas — hinog sa pilit. Itong sa’tin, maganda ang balat, mabango, matamis. Mahigit isang taon lang ang kailangan natin para pahinugin ‘tong prutas ng ating mundo — at ngayon, handa na syang magunaw.

Naaalala mo pa ba?

Yung mga polo kong itim na kupas? Hindi ko na yun sinusuot ngayon.
Yung sapatos kong “pang-lolo?” Iniiwasan ko na yun ngayon.
E yung mga tigyawat kong nagagalit? Nauubos na sila ngayon.
At yung gitara kong si Shirley? Niligpit ko na’t inaalikabok na ngayon.

Lahat sila, nauna nang itiniklop, itinago, binura at niligpit. Pag tatak ng mga papeles mo sa susunod na linggo, ang kabanata naman ng mundo natin ang isasara.

Hindi pa naman tayo matatapos dahil hindi ako papayag. Pero kapag naaalala ko kung pa’no tayo maglakad sa kalsada ng hawak-kamay o akbay-balikat pitong araw sa isang linggo, may bitbit mang mabigat na bag o wala, parang mababaliw ako ‘pag iniisip kong maaaring taon ang aabutin bago kita makurot sa pisngi man lang muli. Taon — mahahaba at nakakapagod na taon.

Naaalala mo pa ba?

Muntik akong magwala nung sabihin mong pupunta kayong Canada? Leche, bakit di mo sinabi? Kakasimula ko pa lang mag-astang prinsipe o si Robin Padilla at ikaw si Sharon Cuneta tapos bigla kang magaanunsyo na may taning ka na pala? Para ka palang bomba sa MRT na matagal ko nang inaabangang dadale sa’kin? Para ka palang si Dolphy na — paumanhin nguni’t — tila hinihintay nalang ng mga taong matigok? Para ka palang si Aga Muhlach sa Dubai?

Nung araw na ‘yun, uminom tayo ng kape sa tabi ng swimming pool sa opisina. Ang init. Naka-polong kupas kasi ako at sapatos na pang-lolo. Ang sabi mo wala kang magagawa dahil gano’n talaga at ‘di ka naman umaasa na matutuloy kayo. Dahil palpak nga kayo dati na pumuntang Texas. Nung mainit na araw na yun, sa harap ng mainit kong kape, naisip ko, kayo nga itong sinwerte ngayon — ako naman ang minalas. Leche.

Pero tinanggap ko na lang kahit ga’no kahirap isantabi yung alaalang malapit ka nang lumipad palayo. Pakiramdam ko parang merong inaamag na hopya sa bulsa ko, pero ayokong itapon dahil hindi ko mahawakan at masyadong mabantot. Kaya hinayaan ko nalang lumagi don yung inaamag na hopya habang ginagawa ko ang lahat para sulitin ang nalalabing oras kasama ka.

At sinulit naman natin, hindi ba?

Lahat ng mga kaibigan mong ipinangamba nating ipapako ako sa krus, tinagayan ko lahat ng San Mig Light, Red Horse at Gin Blue. Mula sa isang lalakeng bulagta na sa tatlong bote ng Lights, nagsanay ako hanggang umabot ako ng pito. At lahat sila, hinanap natin mula sa mga kasuluk-sulukan Pilipinas: sa Baguio, sa Pasig, sa Maynila, sa Mandaluyong, at sa kung saan-saan pa. Lahat sila nilabanan ko sa ibabaw ng mga bote ng alkohol at sari-saring pulutan para ipakita sa kanila na karapat-dapat ako para sa iyo, at karapat-dapat ‘tong namamagitan sa’tin. Marami sa kanila, naging tunay ko nang kaibigan. May illan din naman na hindi ako na-gets at ‘di ko rin naman sila na-gets. Pero ang mahalaga, napatunayan natin na maligaya tayo at kuntento sa piling ng isa’t isa.

Ikaw rin hindi ba?

Hinarap mo lahat ng mga kaibigan ko mula sa ibang daigdig. Tumindig ka at nilabanan punto por punto sina Marx, Nietzsche, Foucault, at kung sinu-sino pang tigok na manunulat. Nakipagdebate ka sa mga kaibigan ko gamit ang sarili mong talino at praktikal na karanasan sa buhay. At walang duda, nanalo ka. Dahil alam ko ang pinagdaanan mo, at alam kong hindi kayang higitan ng kahit anong makapal at maalikabok na aklat ang mga paghihirap at tagumpay mo sa buhay. Naging kaibigan mo rin sila at nagdikit ang mga mundo natin, kahit sobrang magkaiba.

Pati mga kamag-anak natin ay hindi natin pinalampas. Meron tayong checklist sa mga ulo natin ng mga tito’t tita, lolo’t lola, ate’t kuya na kailangan pang binyagan sa reyalidad na tayo na ngang dalawa at wala na silang magagawa. Kailangan na lang nila tayong panoorin at tiisin habang nagbubulungan tayo, magkatabing magkaupo, lumakad at tumayo, nagpapalitan ng makatindig-balahibong status messages sa Facebook, Friendster o Multiply. Wala na silang nagawa dahil nakapagdesisyon na tayo na tayo na nga hanggang lumipad ang iyong eroplano.

Nais ko lang sabihin na ngayong magugunaw na ang mundo, ikaw lang ang nasa isip ko. At ang buhay ko, naramdaman ko lang noong dumating ka at nagyosi sa aking harapan.

Pag naglalakad ka na sa mga malilinis at maluluwag na kalsada ng Vancouver, kapag tinitingnan mo ang iyong sapatos, sana maalala mo rin yung gutay-gutay kong Chucks. At ‘pag giniginaw ka na sa puting puting nyebeng umuulan galing sa kalawakan, nakatitig sa snowman na may karot sa ilong, sana magbalik ka do’n sa panahong halos bumula na ang bibig ko sa lamig ng Baguio. Sa Cordi Coffee. Up Dharma Down. Si Len.

Kung mapadpad ka man sa kahit anong shop doon, pinapahirapan ka ng boss mong maputi, blonde, at gahigante ang ilong, sana maalala mo kung paano natin tinayp ang ‘di matapus-tapos na mga artikulo manatili ka lamang sa Pag-Asa, Quezon City at ‘wag bumalik sa Ilocos upang maging titser. Dahil kailangan kita higit pa sa inaakala mo.

Pag nasa Canada ka na, Chemae, sana maalala mo ako bawat segundo.

At ngayon, ang tanging kahilingan ko na lamang sa iyo at sa tadhana, ay ang ‘wag na tayong magpalitan pa ng maaanghang na mensahe sa YM o magparinig sa Twitter at WordPress. Ipagpaliban na muna natin ang pagiging mga batang paslit kahit alam kong batang paslit talaga tayo sa puso. Lalo na ako.

Yakapin na lang natin ang oras dahil malapit na tayong magkahiwalay.

Maligayang araw ng mga puso sa’yo. Alam mong mahal na mahal kita.

——————————–

“Oras”
Ely Buendia, Wanted Bedspacer,

Pwede bang wag ka nang
magtampo dahil malapit nang magunaw ang mundo?
Halika na, halika na.
Takasan natin ang umaga

Chorus

Wala nang dapat sabihin. Yakapin mo na lang.
Oras ay wag intindihin. Yakapin mo na lang

Ibulong sa dibdib ang tanong
at lahat ng panaginip.
Paubaya mo na sa Maykapal
lahat ng ‘di maipaliwanag.

14 Comments

Filed under Life, Love

14 responses to “Oras

  1. magnifika

    Oh my. Wala akong masabi. 😦

  2. magnifika

    Alam mo ba, kanina umiiyak ako. Tapos andami ko ng nata-type na comment dapat. Tapos binura ko. Tapos nakapag-type uli ako ng marami. Tapos binura ko rin lang uli. Tapos ang naicomment ko nalang, yang nasa taas.

    Tapos nag-iisip uli ako ng maicocomment. Parang, shet, gusto kong magreact. Mahihintay ko pa ba na mag-alas-syete mamaya bago kita yakapin habang nanonood ng mga banda sa kalagitnaan ng U.P. Fair?

    Ang dami ko pang naiisip. Para akong artista, may camera sa harap, tapos yung luha ko malapit ng malaglag, pero imbes na pumikit ako para pumatak na yung luha, pinipigil ko, dahil nasa office ako.

    Tapos kino-close up ako ng camera 1 habang yung camera 2, nasa likod ko, tanaw ang lahat ng mga iniisip ko na nakalatag lang sa harapan. Andun ka, kasama ng mga libo-libong halik, debate, tawanan, seks, wifi at KFC 1-piece Spicy Chicken na maari kong idagdag sa sinulat mo.

    Tapos sa huli nitong lahat, andyan ang camera 3, kino-close up rin ako habang sinasabi ko ang “charchar!” “owbur!”. Panira noh? Hahahahaha. Totoo ganito talaga ang stream ng thoughts ko. Parang nakikita ko sa mukha ko yung itsura ni Melisa sa Pinoy Big Brother Double Up habang dinidiskartehan siya ng sweetiepie niyang si Jason.

    In short, kahit ang aso naming si Bandit kikiligin dito. I bet.

    • moonwalkerwiz

      Rest in Peace, Bandit. 😀

      Sa’yo naman, hindi ka na kailangan mag-react. Tama na yung alam kong magkasama tayo mamaya at sa weekend. I just can’t wait to be with you again.

      Galingan mo dyan! Tutulungan kita!

      I love you! 🙂

  3. moonwalkerwiz

    ‘Di naman! Haha. 😀

    • magnifika

      Gusto kong burahin yung mahabang comment. Please please please!!!!!!!!! Nakaka-Paul Jake!

      • moonwalkerwiz

        Hindi naman. Si Paul Jake kakila-kilabot na ginawa no’n eh. Parang sasabog nga ulo ko habang kumakanta sya eh, haha. Super cringe yun. :))

  4. magnifika

    E kaya nga burahin mo na yan! 😦

  5. magnifika

    Eh nagki-cringe na kooooooo ayaw ayaw ayawwwww!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s