Good Night

Itutulog ko na lang itong pangungulila ko sa’yo dahil ayokong maapektuhan ang kalusugan ko at madiskaril ang aking pagpapataba. Malaki na rin ang itinaba ko at ipinagmamalaki ko ito dahil alam kong mas malamig akong tingnan pag mas may laman ang aking mga pisngi. Ang sabi mo pa nga, mas masarap na akong akapin dahil lumalambot na ‘ko at ang aking katawa’y mas bilog na. Napansin ko rin na mas magaan na ang titig sa akin ng mga tao ngayong ‘di na ko kawangis ni kamatayan. At dahil nga ayokong bumalik sa pagka-payatot at sakitin (tumutulo ang uhog habang naglalakad tayo sa Trinoma) — pangangalagaan ko na ang aking kalusugan at itutulog ko na lang ito.

“Di bale nang dalawin ako ng mga imahe mo sa aking panaginip, ipipikit ko na lang ang aking mga mata. Sana lamang ay ‘wag akong bangungutin sa paghahagilap sa iyong mga kamay sa mundo sa likod ng aking malay. Dahil walang makakakita sa akin dito pag bigla akong minalas at sinundan ang yapak ng kawawang si Rico Yan. Walang makakapansing tigok na pala ako dito sa puting kuwartong ‘singpipi ng pagkawala mo. Magugulantang ang unang papasok sa silid dahil daratnan nila akong matigas, may kuwardeno’t panulat sa tabi, naka-brip lamang, at wala nang malay ng walong oras. Walang gustong mamatay ng naka-brip.

Katok sa kahoy. ‘Wag naman sana.

Ang punto ko lang naman ay gusto kong malaman mo kung ga’no ko gustong ibulong sa iyong tenga ang nakasanayan nating “good night.” Nais kong mabatid mo kung ga’no ko gustong pisilin ang kamay mo upang makatulog ako ng matiwasay at walang panganib na ako’y magla-lock jaw. Ikaw ang tiket ko sa normal na tulog. Ngunit dahil wala ka, kailangan kong pagurin ang aking sarili sa kakasulat at kakaisip. Walang pambili ng beer kaya magpapakapagod na lang ako, tutal, parehas lang naman iyon.

Heto’t makapagpahinga na nga dahil tulog na rin naman ang lahat. Marahil tulog ka na rin loob ng inyong magarang tahanan sa matatahimik na mga lansangan ng norte. Ang luma niyong simbahan na nakalarawan sa MRT card ay naghihilik na rin. Hatinggabi na, kayrami pang walang kwentang pagpapalipas ng oras ang kailangan kong gawin bukas bago ka bumalik. Sa ngayon, wala ‘kong magagawa kundi itulong na lamang ito habang iniisip na sana’y mahimbing nang nakalapat ang kulot mong ulo sa malambot na unan, nagliliwaliw na sa makulay mong panaginip — kasama ako kung sinuswerte.

Hayan, sinusungkit na rin ako sa wakas ng antok. Good night, mahal ko. ‘Di na ko makapaghintay na gumising muli at masilayan ang iyong nakangiti at nag-aabang na mukha.

2 Comments

Filed under Life

2 responses to “Good Night

  1. Good night din sa iyo, mahal ko. 🙂 Ayeeee!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s