Kung ‘Di Naging Tayo

Kung ‘di naging tayo,
Kahindik-hindik!
Makatindig-balahibo!
Hindi mo nanaising
Matulad sa’kin ang kahit sino
Kung ‘di naging tayo

Gigising ng alas kuwatro ng umaga
Bababa sa kama ng may toyo
Bababagsak sa silya ang puwit na butu-buto
Titingalain ang orasan habang naglalaba si nanay
Gabi pa sa labas
Nauna pa ko sa manok

Kung ‘di naging tayo

Haharap sa salamin
Parang galit sa sariling imahe
Nagngingitngit sa mga tigyawat
Ihahanda ang matatalas na kuko
T-shirt na pampahid ng berdeng nana

Aray

Kung ‘di naging tayo

Lalakad papuntang MRT
Dala ang buong bahay sa bag
Mahirap nang may maiwan
Angsarap dalhin ng ‘di kailangan

Tulad ng

Form 5 magmula first year college
Employment contract
Two-by-two picture
Typewriting paper, 100 sheets
Baon at tubig
Ayokong uminom ng tubig sa pantry kahit libre
Gusto ko yung tubig-gripo ko sa plastic bottle
Philosophy book, nasa pahina isangdaan mahigit
Sampung Snow Bear
Apat na Imodium
Tatlong tiket ng tren
Dalawang panyo para bukas
Isang flash drive na punung-puno ng pornograpiya

Kung ‘di naging tayo

‘Di babatiin ang mga kaopisina
‘Di gagawa ng facebook profile
‘Di tatayo sa silya hanggang hapon
Maliban para dumumi o gumawa ng milagro
Gano’n marahil kadesperado
‘Di gagawa ng anumang kalokohan
Aani ng karangalan
Sa natatanging bilis at kawastuhan
Isang dekoradong manggagawa
Lalayuan nang
Lalayuan nang
Lalayuan

nang

Lalayuan.

Kung di naging tayo

Hindi iinom.
Hindi makikilala
Sina Enjel at Omar at Yana
Sina Rizch at Abby at Anna
Sina Eugene at JE at Mika
At sanlibong tao pang nakapila
Hindi maglalakad sa alapaap
Kuntento na sa chismis ni Ely Buendia
Hindi mabibinyagan ang atay
Hindi matututong umaray
Hindi itatapon ang sakit
Sa mukha ng buong mundo
Kikimkimin hanggang bumula
At mamaril na lamang sa may Philcoa
Titikom hanggang abutan ng edad
Mapapanis ang laway
Babaho ang hininga
Marahil mauwi sa pagka-taong grasa
At sa huli
Pati si Satanas
Hihimasin ang aking panot na ulo
Sa awa.
“Kapatid,” wiwikain nya,
“Bakit ni hindi ka uminom ng serbesa?”

Kung ‘di naging tayo

Lalakad papuntang MRT
Dala ang patay na buhay sa bag
Mahirap nang may maiwan
Angsarap dalhin ng nakaraan

Tulad ng

Mga babaeng ‘di namansin
Mga pangarap na panakip-butas
Litratong kupas
Sangkaterbang sandaling sinayang
Pinuno ng walang kwentang panghihinayang
Imaheng ‘di tugma sa katotohanan
Pusong puro pangangarap lamang
Ang alam at batid
Walang sapat na tapang upang tumawid
Sa kabilang ibayo

Kung saan ikaw ay nakangiting naghihintay

Ngunit ‘di kita makikilala
‘Di mahahaplos ang kulot mong buhok
‘Di maririnig ang iyong kwento ng kasaysayan
Ng mundo at ng kalawakan
‘Di makikilala si Bandit
‘Di makikilala ang dagat
‘Di makikilala ang sarili
Dahil ‘di kita makikilala
Mawawalan ng mga awit sa umaga
Matutuyuan ng isip at tawa
Malilimutan kung paano sumayaw
Kaylanma’y ‘di na muling mauuhaw
Papayat nang papayat nang papayat
Hanggang sa buto na lamang at balat
At handang handa nang ilibing ng buhay
Para lamang makatipid ng espasyo
Sa bahay.

Kung ‘di naging tayo.

Kahindik-hindik!
Makatindig-balahibo!

Hindi mo nanaising
Matulad sa’kin ang kahit sino
Kung ‘di naging tayo

Kung hindi ka sumaklolo
Kung ‘di pumanig sa’kin ang tadhana
At lahat ng mga anghel ni Bathala
Salamat, salamat
Na ‘di ako nagising isang makulimlim na Mayo

Na ‘di kita kayang hagkan
At ‘di kaylanman naging tayo.

2 Comments

Filed under Poems

2 responses to “Kung ‘Di Naging Tayo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s