Monthly Archives: February 2011

Love Sick Love

Pambihirang nakakapagsulat pa ako ngayon ng isang blog gayong ako’y kasalukuyang nangangatog sa aking cubicle dahil sa pagragasa sa’king katawan ng isang matinding love-nat.

Oo, merong love-nat at sa totoo lang, masyadong matapobre ang agham upang hindi nito utusan ang kanyang mga doktor at pharmaceutical companies na gamutin ang karamdamang ito. Nagbubulag-bulagan sila sa mga taong hindi makatulog at hindi makakain dahil sa mga malalalim na isyu ng pag-ibig. Binabansagang “depresyon” ang sakit nila ng mga sikolohista sa pamamagitan ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders o DSM. Pero maliwanag na hindi nagpapakalunod sa kaha-kahang alkohol ang mga tao dahil sa depresyon; malinaw na hindi sila nagpaplano ng madugong mga pagpaslang dahil sa bipolar disorder na tila paborito ng mayayamang batang nakikinig masyado ng musikang emo; hindi lumulundag ang mga tao galing sa billboard dahil sa kabaliwan. Ang totoo, mayroon lamang silang malalalang kaso ng love-nat.

Wag kayong mag-alala dahil mukhang hindi naman ganoon kaseryoso ang aking love-nat. Yun ay, hindi naman ako naaakit sa mga lubid, riles ng MRT o Baygon sprays sa aking paligid. Sa totoo lang, dapat ayos na ako ngayon dahil nabunot na ang malisyosong tumor sa aking puso kagabi sa pamamagitan ng isang sensitibong open-heart surgery sa YM. Yun nga lang, tila kailangan ko pa ng mas mahabang pahinga dahil ang patpating katawan ko’y hindi pa handang magtrabaho.

Sa mga nag-iisip na tinutukoy ko ang love-nat bilang isang metaphor, nagkakamali kayo. Totoong nag-iinit ngayon ang noo, kilikili at singit ko, nanglalata ang katawan, at nanunuyo ang bibig. Dahil tulad ng matagal ko nang sinusulong, ang pag-ibig ay isang materyal na bagay, ‘di naiiba sa malutong na dalawang-linggong tigyawat sa gitna ng iyong nguso at sa matigas mong bungo (para sa mas malalim pang talakayan nito, maaari mong basahin ang kauna-unahang post ko sa aking blog na pinamagatang “Material Possessions in Love”).

Materyal ang pag-ibig. Hindi ito isang misteryosong ispiritong dumarapo sa iyong ulo, parang Holy Ghost. Kapag umiibig ka, hindi mo lang naman iniisip o dinadasalan–isinisiwalat mo. Ang pagkaakit sa isang magandang dilag ay naipapamalas sa pamamagitan ng malalagkit na mga tingin at tila permanenteng stiff neck. Ang kagustuhang mahawakan ang malambot na kamay ni Inday ay sumasambulat sa paglikha ng isang makabagbag-damdaming tula na mas masahol pa kay Justin Bieber ang kesong kamandag. Ang ‘di masupil na pagnanasa upang angkinin ang babae sa iyong harapan ay bumubulwak sa isang malaway at halos tumutulong halik at sadistang mga kurot sa tagiliran at puwit. Kaya nga dito natin maihihiwalay ang mga torpe’t tuod sa mga handang umibig. Ang mga torpe, kuntento nang mangarap, samantalang ang mga tuod naman, impotent sa pagpapakita ng kanilang nararamdaman.

Materyal ang pag-ibig.

Gayundin, ang lumbay na dulot nito sa bawat dagok ng mga pamilyar na pagsubok ay materyal din. Dahil ang katawan ng tao’y hindi kinakaya ang malabagyong paghigop ng pag-iisa at dalamhati, sila’y tunay na nagkakasakit. Sa katunayan, napatunayan na ng mga siyentipiko na ang taong laging malungkot ay mas malamig ang katawan kesa sa normal na mga tao. Ito ang dahilan kung bakit bago sya dumating sa aking buhay, laging napapatalon ang mga hinahawakan ko sa lamig ng aking mga palad.

Dahil materyal ang pag-ibig, totoong ikaw, sila, tayo ay bumibigay sa love-nat.

Marahil nga kailangan ko ng mga materyal ding gamot sa anyo ng mabibisang kisspirin at yakapsul. Napakalungkot lang dahil hindi ko ito makukuha sa ngayon dahil ang personal na doktor ng aking kalusugan ay nasa isang banyagang lupain.

Nakakatuwa lang pagmuni-munihan na ang mismong aking tagalunas ay sya ring sanhi ng aking karamdaman. Hay, hindi na ako makapagtrabaho dahil sa iyo, aking espesyalista, aking doktora. Nais ko na lamang humiga sa loob ng iyong klinika upang tungkabin mo ang aking puso muli.

8 Comments

Filed under Life, Love, Random Thoughts