Ang Taong Walang Bakasyon

Tinuruan nya ko kung paano magbakasyon. Dahil hindi ako marunong magbakasyon dati. Ibig kong sabihin, alam ko ang kahulugan ng bakasyon pero hinding hindi mo ako mapapagbakasyon. Hindi mo ako mapapag-beach. Hindi mo ako mapapa-Baguio. Hindi mo ako mapapasakay ng bus at mapapalabas ng Maynila. Loser na kung loser pero masyadong hassle at nakakatamad. Mas gusto ko lang sa silya ko sa opisina o sa kama ko sa bahay.

Ngunit kung narito lamang sya ngayon, sasama na talaga ako sa kanya sa Cambodia. Dati kasi, hindi ko malaman kung paano ako magpapaalam sa nanay ko na balak naming lumipad papuntang Cambodia. “Ma, punta nga pala kami ni Chemae ng Cambodia.” Eeeeeeengk! Mali. ‘Di talaga maganda pakinggan. “Ma, Cambodia lang kami ha.” Hindi talaga. Masyadong masama sa tenga. “Ma, may sasabihin ako. Pwede ba kaming mag-Cambodia ni Chemae?” Aray. Masyado pa ring magaspang. Pero pinapangako ko, kung bumalik sya ngayon, papayag na akong mag-Cambodia, Thailand, Indonesia, Vietnam–kahit saan, dalhin nya lamang ako palayo kasama sya. Magpapaalam ako kahit malaglag man ang pustiso ng nanay ko sa gulat.

Dahil ngayon, nangangailangan ako ng bakasyon. Desperado ako sa bakasyon. Tuwing umaga nga, iniisip ko yung halos ‘di mabilang na beses na nasa loob kami ng bus. Nakatingin sya sa madilim na mundo sa labas ng bintana, at ako naman, antuk na antok na nakasandal ang ulo sa kanyang balikat. Dahil minsan ganon talaga, baliktad kami. Parang ako ang babae at sya ang lalake. Sya ang dinadantayan dahil sya ang malakas.

Anong hindi ko ibibigay para makasama sya ulit sa bus? Ibibigay ko lahat maulit lang yung mga sandaling kinakaladkad namin ang mabibigat naming mga bag hanggang Victory, Florida o san mang mausok na istasyon ng bus. Dahil halos may alikabok ng mahika yung ganong mga karanasan. Yung tipong mag-aakyat ako ng Nova, Piattos, Purefoods Tender Juicy Hotdog at iba pang mga sitsirya sa loob ng bus, habang naroon sya, naghihintay. Yung tipong matutulog ako habang tumutugtog si April Boy sa background at maiisip ko na magaling nga palang mang-aawit at kumpositor si April Boy ‘di tulad ng panghuhusga ng marami. Yung tipong mamumulat na lang akong napapaligiran na kami ng mga berdeng kapatagan at ituturo ko lahat ng baka, kalabaw at kabayong makikita ko. Isa syang ritwal. “Ayun o kabayo!” Wala talaga syang halaga pero mahalaga syang gawin kapag ako’y nasa bus. At syempre, kung seswertehin, hihiga sya sa hita ko at hihimasin ko ang kanyang buhok habang mahimbing syang natutulog. Para syang bata.

Binibisita ako ng ganyang mga alaala araw-araw. Ilang beses ko ring binalita sa kanya na nagpaplano akong magbakasyon kasama ang aking mga kaibigan. Sa totoo lang, hindi ko talaga iniisip yung pupuntahan namin. Ang habol ko lang talaga ay sumakay ng bus. Kaya nauuwi rin sa wala at binabasura ko na lang ang lahat ng aking mga plano. Baka kasi hindi na ko mag-enjoy pagbumaba na ko ng bus.

Nitong mga nakaraang araw, natutuwa ako pag naglalakad ako ng pasaporte o NBI clearance–kasi kailangan kong magbus. Angsarap talaga magbus, humawak sa mga rehas habang naghahanap ng espasyo para sa aking pwet; angsarap umupo don sa tabi ng bintana at makita ang mundong tila hinahabol ka sa upuan mo; ‘di ko maipaliwanag yung pakiramdam na unti-unti kang lalapitan ng kunduktor para hingin yung bayad mo at mabigyan ka nya ng tiket sa cheap na papel. Maski nga yung pagpapalabas ng walang kawawaang action movies ni Jason Statham ay pinupuno rin ako ng kakaibang gaang ng loob. Merong kakaiba kay Jason Statham at yung pagkapwesto ng kalbo nyang ulo sa loob ng telebisyon na nakasabit sa bus. Isang hiwaga si Jason Statham pag napunta na sya sa loob ng bus.

Kaya naman binura ko lahat ng aking MP3 sa aking cell phone. Sa halip, nitong mga nakaraang linggo, nakikinig ako ng istasyon ng radyo, Easy Rock, tuwing umaga habang papunta ako ng opisina. Halos kabisado ko na lahat ng jingle nila at commercials. Bakit? Dahil tunog-bus ang mga kanta sa mga lokal na FM stations. Napapangiti ako ng gumagaralgal na “Victims of Love,” “25 Minutes Too Late,” o “Rosanna.” Kailangan gumagaralgal sya. Dapat hindi malinaw. Gusto ko, pakiramdam ko nasa bus ako at paalis ng Maynila.

Ngunit gaano pa man ako ngayon humiling na magbakasyon, hinding hindi ako makakapagbakasyon. At kahit hilahin ako ng kahit sino upang pumunta sa kung saang malayo, hindi magbabago ang nararamdaman ko.

Dahil napagtanto ko, tunay lamang akong nakakapagbakasyon kapag kasama ko sya. Napakasarap mag-beach, magtampisaw sa dagat, maglakad sa buhangin, suminghot ng malinis na hangin at makitang napapalibutan ka ng mga higanteng bundok at matatayog na mga palm trees. Pero kapag iniisip ko nang mabuti, nalalaman kong napakasaya lang ng mga ito dahil nandon sya. Ang totoo, wala pala talaga akong pakialam sa dagat. Para lang syang sangkatutak na tubig sa ibabaw ng lupa. Parang higanteng batya o planggana. Wala palang saysay sakin talaga ang buhangin. Lupa lang sya na iba ang kulay at tekstura; mukhang di madumi pero madumi pa rin. At wala lang ang mga bundok. Tumpok lang sya ng lupa na walang kahulugan o pakinabang sa buhay ko.

Subalit subukan mong ihulog sya doon sa larawan. Subukan mong ilagay yung malawak nyang ngiti doon, sa isang sulok doon sa larawang iyon–at mapupuno ng saysay ang lahat. Ipinta mo ang kulot nyang buhok sa gitna ng litrato at sasabog sa kulay at kahulugan ang bawat bato o bula sa dalampasigan. Sa dinami-dami ng oras ko upang magmuni-muni ngayong wala na sya, isa lang ang aking nayaring kongklusyon: sya lamang ang bakasyon ng buhay ko.

Nilalasap ko lamang sya sa iba’t ibang konteksto–yun marahil ang punto ng bawat bakasyon namin dati. “Ano kayang pakiramdam ‘pag si Chemae ay nasa gitna ng mga alon?” “Ano kayang mararamdaman ko kapag hawak ko ang kanyang kamay sa mga malalamig na kalsada ng Baguio?” “Ano kayang pakiramdam ng makatabi sya sa eroplano?” Maliban sa kanya, wala nang dahilan upang tumayo pa ako sa silya ko sa opisina o bumangon sa aking kama sa bahay upang lumabas ng Maynila. Para lang akong pumunta ng kubeta para dumumi kung magbabakasyon na rin lang ako ng wala sya. Hindi rin naman kasi ako yung nature-lover type. Walang dating sakin ang mga bato, puno, bundok, ilog o dagat. Hindi rin ako yung culture-lover type. Wala akong pakialam kung Maranao, Badjao, Ifugao, French, Spanish o Martian ka at kung ano mang kultura mong makulay. Sa madaling salita, hindi ako matutuwa sayo kung hindi mo sa akin kayang ipakita si Chemae.

Sa kabila ng lahat, nais ko pa ring magbakasyon. Ngunit kung nandito lang sana sya ngayon sa tabi ko, alam kong kahit saan kami dalhin ng aming mga paa, magtitila pinakamasarap na bakasyon iyon para sa’kin. Kahit magkape lamang kami ng ilang oras sa mall, katumbas na nun ang isang linggong pagpapahinga at maglalaho lahat ang sakit ng aking katawan. Isang gabi lang sa UP para uminom at talakayin ang pagkapeminista nya, para na siguro akong pinag-sick leave ng isang buwan. Dahil ganoon ang epekto nya sa’kin. Mas matindi pa sya sa mga bitamina kong Centrum at Enervon. Mas malakas pa ang sipa nya sa tatlong tasa ng kape. Isa syang gamot sa aking lumbay at pagkabagot sa mga blangko at ‘di kumpletong parirala ng buhay. Sya ang aking pinakamagandang bakasyon.

Hay, kelan kaya ulit ako makakasakay ng bus kasama sya? Siguro ganito na nga ang problema. Tila walang patid muna akong magtatrabaho hanggang sa araw na iyon na sya’y bumalik.

Dahil wala pang magagawa sa ngayon.

Kailangan ko munang makinig sa mga istasyon ng radyo habang ang pinakamamahal kong bakasyon ay nagbabakasyon pa’t ‘di pa makauwi sa aking mga kamay.

——————————————————-

Para kay Chemae sa kanyang kaarawan. Maligayang bati sa’yo, mahal ko! Balang araw, lilibutin ko ang mundo kasama ka. 🙂

2 Comments

Filed under Life, Love

2 responses to “Ang Taong Walang Bakasyon

  1. Chemae

    Thanks Marvin. 🙂 Pero sana makapagbakasyon ka pa rin para hindi ka masyadong stressed at marelax ka naman. Alam mo bang ang number one cause ng kahit anong sakit ay stress! Hehe. I love you, hunny. 🙂

    • moonwalkerwiz

      Hahaha wala eh. Mukhang walang solusyon sa stress ko until you’re back with me. But it’s ok! Basta nandyan ka lang lagi sa instant messenger ko, I’ll be all right. I love you, too! 😀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s