Tag Archives: pag-ibig

Pagtatapat

The following piece is inspired by the sheer simplicity and honesty of “Bakit Ba Ganyan” by VST & Company and Dina Bonnevie, and my admiration for classic OPM ballads–the sweetness of which can’t be matched by any English song. In an ideal world, this is how I would like to confess to a girl. NOTE: This is, again, “fictional.”

————————–

Wala naman sigurong masama kung magtatapat ako sa’yo. Pagod na rin kasi akong magpaliguy-ligoy. ‘Di naman dapat palalimin at hulaan pa kung anong nararamdaman ko. Ang gusto ko lang naman sabihin, sa tingin ko mahal na kita.

Please, wag mo akong tanungin kung bakit–mauubusan lang ako ng salita at ‘di ko naman mahuhuli yung gusto kong iparating sa’yo. Wag mo na ring isipin kung anong kailangan mong gawin dahil ‘di ka naman responsable sa kung anong nararamdaman ko. Ang gusto ko lang talaga ay malaman mo para lumuwag naman ng kaunti ‘tong kalooban ko.

Ewan ko kung dapat ba ‘kong magpasalamat sa’yo dahil lumiliwanag ang araw-araw ko sa tuwing makikita’t maririnig kita. Siguro ‘di mo pa ko kailangan sa ngayon o wala ka pang pakialam. Pero kung dumating man ang panahon na kakailanganin mo ang tulong ko, pinapangako kong ibibigay ko ang lahat para mapangiti kita.

3 Comments

Filed under Uncategorized

Ang Taong Walang Bakasyon

Tinuruan nya ko kung paano magbakasyon. Dahil hindi ako marunong magbakasyon dati. Ibig kong sabihin, alam ko ang kahulugan ng bakasyon pero hinding hindi mo ako mapapagbakasyon. Hindi mo ako mapapag-beach. Hindi mo ako mapapa-Baguio. Hindi mo ako mapapasakay ng bus at mapapalabas ng Maynila. Loser na kung loser pero masyadong hassle at nakakatamad. Mas gusto ko lang sa silya ko sa opisina o sa kama ko sa bahay.

Ngunit kung narito lamang sya ngayon, sasama na talaga ako sa kanya sa Cambodia. Dati kasi, hindi ko malaman kung paano ako magpapaalam sa nanay ko na balak naming lumipad papuntang Cambodia. “Ma, punta nga pala kami ni Chemae ng Cambodia.” Eeeeeeengk! Mali. ‘Di talaga maganda pakinggan. “Ma, Cambodia lang kami ha.” Hindi talaga. Masyadong masama sa tenga. “Ma, may sasabihin ako. Pwede ba kaming mag-Cambodia ni Chemae?” Aray. Masyado pa ring magaspang. Pero pinapangako ko, kung bumalik sya ngayon, papayag na akong mag-Cambodia, Thailand, Indonesia, Vietnam–kahit saan, dalhin nya lamang ako palayo kasama sya. Magpapaalam ako kahit malaglag man ang pustiso ng nanay ko sa gulat.

Dahil ngayon, nangangailangan ako ng bakasyon. Desperado ako sa bakasyon. Tuwing umaga nga, iniisip ko yung halos ‘di mabilang na beses na nasa loob kami ng bus. Nakatingin sya sa madilim na mundo sa labas ng bintana, at ako naman, antuk na antok na nakasandal ang ulo sa kanyang balikat. Dahil minsan ganon talaga, baliktad kami. Parang ako ang babae at sya ang lalake. Sya ang dinadantayan dahil sya ang malakas.

Anong hindi ko ibibigay para makasama sya ulit sa bus? Ibibigay ko lahat maulit lang yung mga sandaling kinakaladkad namin ang mabibigat naming mga bag hanggang Victory, Florida o san mang mausok na istasyon ng bus. Dahil halos may alikabok ng mahika yung ganong mga karanasan. Yung tipong mag-aakyat ako ng Nova, Piattos, Purefoods Tender Juicy Hotdog at iba pang mga sitsirya sa loob ng bus, habang naroon sya, naghihintay. Yung tipong matutulog ako habang tumutugtog si April Boy sa background at maiisip ko na magaling nga palang mang-aawit at kumpositor si April Boy ‘di tulad ng panghuhusga ng marami. Yung tipong mamumulat na lang akong napapaligiran na kami ng mga berdeng kapatagan at ituturo ko lahat ng baka, kalabaw at kabayong makikita ko. Isa syang ritwal. “Ayun o kabayo!” Wala talaga syang halaga pero mahalaga syang gawin kapag ako’y nasa bus. At syempre, kung seswertehin, hihiga sya sa hita ko at hihimasin ko ang kanyang buhok habang mahimbing syang natutulog. Para syang bata.

Binibisita ako ng ganyang mga alaala araw-araw. Ilang beses ko ring binalita sa kanya na nagpaplano akong magbakasyon kasama ang aking mga kaibigan. Sa totoo lang, hindi ko talaga iniisip yung pupuntahan namin. Ang habol ko lang talaga ay sumakay ng bus. Kaya nauuwi rin sa wala at binabasura ko na lang ang lahat ng aking mga plano. Baka kasi hindi na ko mag-enjoy pagbumaba na ko ng bus.

Nitong mga nakaraang araw, natutuwa ako pag naglalakad ako ng pasaporte o NBI clearance–kasi kailangan kong magbus. Angsarap talaga magbus, humawak sa mga rehas habang naghahanap ng espasyo para sa aking pwet; angsarap umupo don sa tabi ng bintana at makita ang mundong tila hinahabol ka sa upuan mo; ‘di ko maipaliwanag yung pakiramdam na unti-unti kang lalapitan ng kunduktor para hingin yung bayad mo at mabigyan ka nya ng tiket sa cheap na papel. Maski nga yung pagpapalabas ng walang kawawaang action movies ni Jason Statham ay pinupuno rin ako ng kakaibang gaang ng loob. Merong kakaiba kay Jason Statham at yung pagkapwesto ng kalbo nyang ulo sa loob ng telebisyon na nakasabit sa bus. Isang hiwaga si Jason Statham pag napunta na sya sa loob ng bus.

Kaya naman binura ko lahat ng aking MP3 sa aking cell phone. Sa halip, nitong mga nakaraang linggo, nakikinig ako ng istasyon ng radyo, Easy Rock, tuwing umaga habang papunta ako ng opisina. Halos kabisado ko na lahat ng jingle nila at commercials. Bakit? Dahil tunog-bus ang mga kanta sa mga lokal na FM stations. Napapangiti ako ng gumagaralgal na “Victims of Love,” “25 Minutes Too Late,” o “Rosanna.” Kailangan gumagaralgal sya. Dapat hindi malinaw. Gusto ko, pakiramdam ko nasa bus ako at paalis ng Maynila.

Ngunit gaano pa man ako ngayon humiling na magbakasyon, hinding hindi ako makakapagbakasyon. At kahit hilahin ako ng kahit sino upang pumunta sa kung saang malayo, hindi magbabago ang nararamdaman ko.

Dahil napagtanto ko, tunay lamang akong nakakapagbakasyon kapag kasama ko sya. Napakasarap mag-beach, magtampisaw sa dagat, maglakad sa buhangin, suminghot ng malinis na hangin at makitang napapalibutan ka ng mga higanteng bundok at matatayog na mga palm trees. Pero kapag iniisip ko nang mabuti, nalalaman kong napakasaya lang ng mga ito dahil nandon sya. Ang totoo, wala pala talaga akong pakialam sa dagat. Para lang syang sangkatutak na tubig sa ibabaw ng lupa. Parang higanteng batya o planggana. Wala palang saysay sakin talaga ang buhangin. Lupa lang sya na iba ang kulay at tekstura; mukhang di madumi pero madumi pa rin. At wala lang ang mga bundok. Tumpok lang sya ng lupa na walang kahulugan o pakinabang sa buhay ko.

Subalit subukan mong ihulog sya doon sa larawan. Subukan mong ilagay yung malawak nyang ngiti doon, sa isang sulok doon sa larawang iyon–at mapupuno ng saysay ang lahat. Ipinta mo ang kulot nyang buhok sa gitna ng litrato at sasabog sa kulay at kahulugan ang bawat bato o bula sa dalampasigan. Sa dinami-dami ng oras ko upang magmuni-muni ngayong wala na sya, isa lang ang aking nayaring kongklusyon: sya lamang ang bakasyon ng buhay ko.

Nilalasap ko lamang sya sa iba’t ibang konteksto–yun marahil ang punto ng bawat bakasyon namin dati. “Ano kayang pakiramdam ‘pag si Chemae ay nasa gitna ng mga alon?” “Ano kayang mararamdaman ko kapag hawak ko ang kanyang kamay sa mga malalamig na kalsada ng Baguio?” “Ano kayang pakiramdam ng makatabi sya sa eroplano?” Maliban sa kanya, wala nang dahilan upang tumayo pa ako sa silya ko sa opisina o bumangon sa aking kama sa bahay upang lumabas ng Maynila. Para lang akong pumunta ng kubeta para dumumi kung magbabakasyon na rin lang ako ng wala sya. Hindi rin naman kasi ako yung nature-lover type. Walang dating sakin ang mga bato, puno, bundok, ilog o dagat. Hindi rin ako yung culture-lover type. Wala akong pakialam kung Maranao, Badjao, Ifugao, French, Spanish o Martian ka at kung ano mang kultura mong makulay. Sa madaling salita, hindi ako matutuwa sayo kung hindi mo sa akin kayang ipakita si Chemae.

Sa kabila ng lahat, nais ko pa ring magbakasyon. Ngunit kung nandito lang sana sya ngayon sa tabi ko, alam kong kahit saan kami dalhin ng aming mga paa, magtitila pinakamasarap na bakasyon iyon para sa’kin. Kahit magkape lamang kami ng ilang oras sa mall, katumbas na nun ang isang linggong pagpapahinga at maglalaho lahat ang sakit ng aking katawan. Isang gabi lang sa UP para uminom at talakayin ang pagkapeminista nya, para na siguro akong pinag-sick leave ng isang buwan. Dahil ganoon ang epekto nya sa’kin. Mas matindi pa sya sa mga bitamina kong Centrum at Enervon. Mas malakas pa ang sipa nya sa tatlong tasa ng kape. Isa syang gamot sa aking lumbay at pagkabagot sa mga blangko at ‘di kumpletong parirala ng buhay. Sya ang aking pinakamagandang bakasyon.

Hay, kelan kaya ulit ako makakasakay ng bus kasama sya? Siguro ganito na nga ang problema. Tila walang patid muna akong magtatrabaho hanggang sa araw na iyon na sya’y bumalik.

Dahil wala pang magagawa sa ngayon.

Kailangan ko munang makinig sa mga istasyon ng radyo habang ang pinakamamahal kong bakasyon ay nagbabakasyon pa’t ‘di pa makauwi sa aking mga kamay.

——————————————————-

Para kay Chemae sa kanyang kaarawan. Maligayang bati sa’yo, mahal ko! Balang araw, lilibutin ko ang mundo kasama ka. 🙂

2 Comments

Filed under Life, Love

Love Sick Love

Pambihirang nakakapagsulat pa ako ngayon ng isang blog gayong ako’y kasalukuyang nangangatog sa aking cubicle dahil sa pagragasa sa’king katawan ng isang matinding love-nat.

Oo, merong love-nat at sa totoo lang, masyadong matapobre ang agham upang hindi nito utusan ang kanyang mga doktor at pharmaceutical companies na gamutin ang karamdamang ito. Nagbubulag-bulagan sila sa mga taong hindi makatulog at hindi makakain dahil sa mga malalalim na isyu ng pag-ibig. Binabansagang “depresyon” ang sakit nila ng mga sikolohista sa pamamagitan ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders o DSM. Pero maliwanag na hindi nagpapakalunod sa kaha-kahang alkohol ang mga tao dahil sa depresyon; malinaw na hindi sila nagpaplano ng madugong mga pagpaslang dahil sa bipolar disorder na tila paborito ng mayayamang batang nakikinig masyado ng musikang emo; hindi lumulundag ang mga tao galing sa billboard dahil sa kabaliwan. Ang totoo, mayroon lamang silang malalalang kaso ng love-nat.

Wag kayong mag-alala dahil mukhang hindi naman ganoon kaseryoso ang aking love-nat. Yun ay, hindi naman ako naaakit sa mga lubid, riles ng MRT o Baygon sprays sa aking paligid. Sa totoo lang, dapat ayos na ako ngayon dahil nabunot na ang malisyosong tumor sa aking puso kagabi sa pamamagitan ng isang sensitibong open-heart surgery sa YM. Yun nga lang, tila kailangan ko pa ng mas mahabang pahinga dahil ang patpating katawan ko’y hindi pa handang magtrabaho.

Sa mga nag-iisip na tinutukoy ko ang love-nat bilang isang metaphor, nagkakamali kayo. Totoong nag-iinit ngayon ang noo, kilikili at singit ko, nanglalata ang katawan, at nanunuyo ang bibig. Dahil tulad ng matagal ko nang sinusulong, ang pag-ibig ay isang materyal na bagay, ‘di naiiba sa malutong na dalawang-linggong tigyawat sa gitna ng iyong nguso at sa matigas mong bungo (para sa mas malalim pang talakayan nito, maaari mong basahin ang kauna-unahang post ko sa aking blog na pinamagatang “Material Possessions in Love”).

Materyal ang pag-ibig. Hindi ito isang misteryosong ispiritong dumarapo sa iyong ulo, parang Holy Ghost. Kapag umiibig ka, hindi mo lang naman iniisip o dinadasalan–isinisiwalat mo. Ang pagkaakit sa isang magandang dilag ay naipapamalas sa pamamagitan ng malalagkit na mga tingin at tila permanenteng stiff neck. Ang kagustuhang mahawakan ang malambot na kamay ni Inday ay sumasambulat sa paglikha ng isang makabagbag-damdaming tula na mas masahol pa kay Justin Bieber ang kesong kamandag. Ang ‘di masupil na pagnanasa upang angkinin ang babae sa iyong harapan ay bumubulwak sa isang malaway at halos tumutulong halik at sadistang mga kurot sa tagiliran at puwit. Kaya nga dito natin maihihiwalay ang mga torpe’t tuod sa mga handang umibig. Ang mga torpe, kuntento nang mangarap, samantalang ang mga tuod naman, impotent sa pagpapakita ng kanilang nararamdaman.

Materyal ang pag-ibig.

Gayundin, ang lumbay na dulot nito sa bawat dagok ng mga pamilyar na pagsubok ay materyal din. Dahil ang katawan ng tao’y hindi kinakaya ang malabagyong paghigop ng pag-iisa at dalamhati, sila’y tunay na nagkakasakit. Sa katunayan, napatunayan na ng mga siyentipiko na ang taong laging malungkot ay mas malamig ang katawan kesa sa normal na mga tao. Ito ang dahilan kung bakit bago sya dumating sa aking buhay, laging napapatalon ang mga hinahawakan ko sa lamig ng aking mga palad.

Dahil materyal ang pag-ibig, totoong ikaw, sila, tayo ay bumibigay sa love-nat.

Marahil nga kailangan ko ng mga materyal ding gamot sa anyo ng mabibisang kisspirin at yakapsul. Napakalungkot lang dahil hindi ko ito makukuha sa ngayon dahil ang personal na doktor ng aking kalusugan ay nasa isang banyagang lupain.

Nakakatuwa lang pagmuni-munihan na ang mismong aking tagalunas ay sya ring sanhi ng aking karamdaman. Hay, hindi na ako makapagtrabaho dahil sa iyo, aking espesyalista, aking doktora. Nais ko na lamang humiga sa loob ng iyong klinika upang tungkabin mo ang aking puso muli.

8 Comments

Filed under Life, Love, Random Thoughts

Free Fall

Na

ka

a

ngat

ang

pa

a

sa

e

re.

Na

ka

pi

kit

sa

sa

ga

sa

ng

ha

ngin.

Wa

lang

ma

ri

nig

ang

te

nga.

Wa

lang

ma

da

ma

ang

ta

lam

pa

kan.

Wa

lang

la

man

ang

pu

so

kun

di

ta

kot.

I

sang

bu

til

ng

du

mi

sa

him

pa

pa

wid.

Pu

pu

tok

na

sa

da

mi

ng

a

la

a

la–

sag

lit

na

si

lip

ng

la

ngit.

Hi

gop

ng

mun

do.

Ba

bag

sak

na.

Ba

bag

sak

ba?

Ba

bags

Ma

la

pit
na
,
pa
bil
isngpab
ilissasalpokna
sakongkretosasa
bogangulokkalatangu
taaaakaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaahhhhhhhhhhhh
SPLAT

3 Comments

Filed under Love, Poems

Good Night

Itutulog ko na lang itong pangungulila ko sa’yo dahil ayokong maapektuhan ang kalusugan ko at madiskaril ang aking pagpapataba. Malaki na rin ang itinaba ko at ipinagmamalaki ko ito dahil alam kong mas malamig akong tingnan pag mas may laman ang aking mga pisngi. Ang sabi mo pa nga, mas masarap na akong akapin dahil lumalambot na ‘ko at ang aking katawa’y mas bilog na. Napansin ko rin na mas magaan na ang titig sa akin ng mga tao ngayong ‘di na ko kawangis ni kamatayan. At dahil nga ayokong bumalik sa pagka-payatot at sakitin (tumutulo ang uhog habang naglalakad tayo sa Trinoma) — pangangalagaan ko na ang aking kalusugan at itutulog ko na lang ito. Continue reading

2 Comments

Filed under Life

Oras

Pwede bang ‘wag ka nang magtampo dahil malapit nang magunaw ang mundo?

Hinog na kasi ‘tong maliit na mundong ginagalawan natin, pero hindi parang isang atis na siniksik lang sa sako ng bigas — hinog sa pilit. Itong sa’tin, maganda ang balat, mabango, matamis. Mahigit isang taon lang ang kailangan natin para pahinugin ‘tong prutas ng ating mundo — at ngayon, handa na syang magunaw.

Naaalala mo pa ba?

Yung mga polo kong itim na kupas? Hindi ko na yun sinusuot ngayon.
Yung sapatos kong “pang-lolo?” Iniiwasan ko na yun ngayon.
E yung mga tigyawat kong nagagalit? Nauubos na sila ngayon.
At yung gitara kong si Shirley? Niligpit ko na’t inaalikabok na ngayon.

Lahat sila, nauna nang itiniklop, itinago, binura at niligpit. Pag tatak ng mga papeles mo sa susunod na linggo, ang kabanata naman ng mundo natin ang isasara.

Hindi pa naman tayo matatapos dahil hindi ako papayag. Pero kapag naaalala ko kung pa’no tayo maglakad sa kalsada ng hawak-kamay o akbay-balikat pitong araw sa isang linggo, may bitbit mang mabigat na bag o wala, parang mababaliw ako ‘pag iniisip kong maaaring taon ang aabutin bago kita makurot sa pisngi man lang muli. Taon — mahahaba at nakakapagod na taon. Continue reading

14 Comments

Filed under Life, Love

Palaisipan

Lumulukso, lumulubog, lumalaktaw
Masundan lang
Hinuhulaan, inaabangan, kinakabahan
Kumalma lang
Tinatanya, pinipiga ang simpatya
Lumingon lamang
Hinaharap, hinahabol, hinang-hina
Umaga lamang,
Niyakap pa, ilang oras, bastusan na
Ulong kinalawang
Nawiwindang, nagba-blangko, nagniningas
Hindi mabilang
Mga nasasayang, kabi-kabilaang mga kapraningan
Lubus-lubusang
Sinasagad, binababad, binibilad
Sa init ng pulang
Bumabakat, walang puknat, kumakalat
Nangangati nang
Gumapang, mabuwang, tumiwalag
Isipang tigang
Sumusuka, sumusuko, sumisiwalat
Mga damdaming
Nauudyok, nabubulok sa sinasapit
Ayoko nang
Lumulundag, nagbabasag, humihiyaw
‘Di mapigilang
Magnilay-nilay, magbantay-bantay, baka mauhaw
Naniniwalang
May oras pa, kailangan pang ulit-ulitn.
Lumulukso, lumulubog, lumalaktaw

Share

1 Comment

Filed under Love, Poems