Tag Archives: sulatin

Gusto Kitang Megamolin

20130109-215502.jpg

Gusto kitang megamolin. Gusto kitang megamolin kahit ikaw yung tipo na pina-powerplant. Gusto kong ipakita sayo na kahit sabihin pa ng iba na baduy at jeje na ang pagmemegamol, meron pa ring salamangkang pwedeng mangyari sa loob ng kongkretong kahon ni Henry Sy.

Gusto kitang itaymzown. Gusto kong mag-shoot nung sangkatutak na basketbol kasama ka. Pupunta ko sa likod mo at iko-coach kita sa tamang pag-release ng bola kahit ako mismo’y bamban talaga sa sports. Pero alam mo naman na kahit mga di manlalaro ng basketbol ay nais ding maka-iskor paminsan-minsan.

Pwede tayong mag-house-of-the-dead na usung-uso nung high school ako. Tuturuan kita kung pano bumaril ng mga zombies, para naman di nalang puso ko ang laging binabaril mo. Pwede ring mag-bowling, para naman di nalang feelings ko lagi ang ini-strike mo. O di kaya’y mag ice skating sa skating rink kahit may jej swarm sa paligid–baka sakaling magkaron ka lang ng idea kung gano ka-cold ang pakiramdam pag cold ka.

Alam ko naman na ikaw yung tipong shinashang o sineserendra; zinazara, mina-mango, minamarks-and-spencer, mina-maykel kors. Ikaw yung tipong nasusundan ang in sa Tate kaya alam mong pang-commoners ang pagfoforever-twentyone at pagi-starbucks. Kaya naman pilit kitang sasabayan kahit ang totoo’y ako yung tipong dumedepartment-store at jumajalibi lang. Di ako magtatangkang i-blue-magic o i-silverworks ka–pangako yan.

Hinding-hindi tayo mahuhuling nagbebench at nagsisinderela. Mawawala sa bokabularyo natin ang pagna-national at tanging pagpa-powerbooks o pagfu-fully booked ang aatupagin natin pag kunwaring sinumpong tayo ng pagbabasa. Magsi-seattle’s best o magko-coffee-bean-and-tea-leaf tayo hanggang mangutim ang ipin mo sa sobrang kahipsteran. Uubusin ko savings ko sa planner, kahit ilang planner pa gusto mo, as if sobrang hirap planuhin ng buhay.

Kung ayaw mong magtraynoma, ok lang. Di naman kita pipilitin sa ayaw mong gawin. Pero kung gusto mo, iiwasan natin ang pagkikrispy-kreme at, sa halip, ije-jeyco donuts kita kahit abutin ako ng alasingko ng hapon sa haba ng pila. Wag kang matakot dahil hindi kita ia-ali-mall, ie-ever-gotesco o ivi-victory mall–unless kukuha ka ng NBI clearance (lalakarin ko pa para sayo). Di tayo magsi-circle-C para bumili ng DVD, magse-centris para sa sangbatyang talaba, o magse-saint francis square para sa pekeng Lacoste. Mahihiya nga siguro akong i-glorietta ka o imarket-market. Pramis–walang robinsunan, mowahan, o geytweyan kung di mo gusto.

Megamulan lang talaga muna. Subukan lang natin magmegamol A to B. At baka maramdaman mo kung gano kita kagusto from A to Z, one to infinity.

Share

Leave a comment

Filed under Uncategorized

Puto

20121230-153908.jpg

Pumunta kami sa patay-sindi sa Monumento. Alak at sigarilyo. Babae. May isang dingding ng salaming ipinapakita ang kailangang makita ng dalawang matang sawa sa liwanag.

Isang babae ang tumabi, nag-request ng lady’s drink. Hindi maganda pero madilim at makulit. Pwedeng akapin, kausapin, tanungin ng mga tanong na walang saysay tulad ng “Bakit mayrong salamin?” Para daw magpaganda sa harap ng mga bisita, pero sya mismo’y hindi sigurado. Ibinili ng tatlong bote ng San Mig Light na kaagad ding naubos.

Ni hindi mabastos, hanggang bewang lang. Nakokonsyensya. Walang kwenta. Masyadong maraming naaalala hanggang sa magsara ang mga kurtina.

Kumain ng pares. Nakadalawang tasa sya ng sabaw. Uhaw. Gutom. May pasok pa sya mamaya at nais nang matulog tulad ko. Kinailangan pang ihatid dahil ako yung tipo na nanghahatid kahit saan dalhin ng tadhana. Walang pakialam sa makakasaksi, sa opinyon ng mga nakikitambay sa buhay ko.

Bumili sya ng kakanin. Salamat daw. Sa susunod, mas maghahanda sya. “Pwede ko bang kunin yung puto?” nahihiya nyang tanong.

“Kunin mo na lahat.”

Leave a comment

Filed under Uncategorized

Yun ang Pinakamasarap Don.

Ang pinakamasarap don yung nabanggit mo.

Yun talaga eh. Alam mo yung bigla akong umepal sa isipan mo kahit punung-puno yan ng mga bulaklak, paru-paro, alitaptap, mountain tops–at iba pang magagandang bagay sa mundo? Alam mo yung parang kulangot ako na sinungkit sa ilong ng katutubo tapos pinitik papunta sa kokote mo? Tapos dumikit ako don, kumapit nang kayhigpit kahit ilang sandali? Yun talaga eh. Yun yun eh.

Yun ang pinakamasarap don.

Kasi di ba, sino ba ko? Ibig kong sabihin–sino ba ko sa’yo? Umepaloids lang naman ako sa buhay mo kamakailan lang di ba? Fumoto-bomb. Kumey-espi. Umeksena. Sumabit. Bumalandra. Nag-cartwheel. ‘Di mo naman talaga ‘ko kailangan bigyan ni katiting na atensyon o pakialaman–pero pinakialamanan mo ‘ko kaya abot anit ang ngiti ko ngayon.

Kung tutuusin nga mas resonable pang isipin mo yung tae mo kesa sakin eh; kasi at least yung tae mo araw-araw mong nakikita yun tuwing titingin ka sa inidoro. Eh ako? Once or twice a day lang tapos bihira pa ‘ko sumulyap pabalik. Pero sa totoo lang tanggap ko na mas naaalala mo pa tae mo kesa sa’kin. Tae mo yun eh. Ako rin naman yung tae ko, sobrang close kami nun. Nagku-QT kami nun minsan tatlong beses sa isang araw–higit pa pag may masama ‘kong nakain. So tanggap ko yun. Tanggap ko na sa listahan ng mga bagay na nasa isip mo, nasa baba ako ng tae mo. At sa totoo lang, proud ako na sa araw na ‘to, umalingasaw ako sa kokote mo tulad ng ebak mo.

Yun ang pinakamasarap don.

Inspirasyon na sa’kin yung maalala mo mga pinaggagagawa ko. Pwede ko nang ulamin yung putahe sa isip ko ng isang linggo. Putanginang putahe yan! Ganon kabigat yung effect. Iba yung tama sa arteries. Delikado–parang chicharong bulaklak tsaka isang mangkok na mantika ng tocino. Nung nakita kong tumakbo ako sa isip mo ng ilang segundo tapos dumausdos papunta sa mga letra mo, parang gusto kong hamunin si Shaider ng tadyakan.

Kaya heto, babalik na ‘ko sa trabaho. Pwede ka na ring bumalik sa buhay mo. Ok lang ulit na nagka-temporary amnesia ka nanaman tungkol saken at mas iniisip mo pa ngayon yung tinga mo sa Ma-Ling kesa sa ngiti ko. Happens every day. Alam ko naman maaalala mo ulit ako eh, bukas, sa makalawa, o sa bertdey ko. Ok lang! No prob! Wapaker! Oks lang talaga kahit ‘di na muna ulit ako ang bida.

Makikita naman ulit kita bukas eh. Yun ang pinakamasarap don.

Leave a comment

Filed under Life, Love

Kung ‘Di Naging Tayo

Kung ‘di naging tayo,
Kahindik-hindik!
Makatindig-balahibo!
Hindi mo nanaising
Matulad sa’kin ang kahit sino
Kung ‘di naging tayo

Gigising ng alas kuwatro ng umaga
Bababa sa kama ng may toyo
Bababagsak sa silya ang puwit na butu-buto
Titingalain ang orasan habang naglalaba si nanay
Gabi pa sa labas
Nauna pa ko sa manok

Kung ‘di naging tayo

Haharap sa salamin
Parang galit sa sariling imahe
Nagngingitngit sa mga tigyawat
Ihahanda ang matatalas na kuko
T-shirt na pampahid ng berdeng nana

Aray

Kung ‘di naging tayo

Continue reading

2 Comments

Filed under Poems

Cowboy na Kumakain ng Pizza sa Ortigas

Isa sa mga pangarap ko ang sumakay ng kabayo habang kumakain ng mainit, mabango, malaman, maalat at maasim-asim na pizza. Eh kasi naman, ‘di pa ko nakakasakay ng kabayo sa ta’ ng buhay ko, pero mahilig ako sa mga cowboy films kung sa’n laging nangangabayo at namamaril ang mga bida sa harap ng papalubog na araw, pwera lang Brokeback Mountain. Gayundin, mahilig ako sa pizza kasi angsarap-sarap nito at angmahal-mahal. Kadalasan nga, parang nagpapasarap sa kanya yung presyo nya. Gano’n naman yata lahat ng bagay.

Gusto ko talagang magsuot ng cowboy hat, sumampa sa kabayo, umakyat sa isang cliff, at dahan-dahang masdan ang kabuuan ng mundo sa aking mga paa at mga kuko ng aking kabayo. Bigla ko lang naisip, mas ok kung papangalanan ko ang kabayo ko na “Matias.” Kulay tsokolate sya at nag-aapoy ang mga mata lalo na pag may nakitang makikinis na kabayong babae. Si Matias at ako — naka-cowboy hat — sa tuktok ng isang cliff, pinapanood ang buong daigdig — ‘di ba’t kayganda?

Tapos sa loob ng sukbit kong bag, huhugutin ko ang isang kahon ng mainit, mabango, malaman, maalat at maasim-asim na pizza. Hindi ko masabi kung anong brand basta kasinglaki sya ng Sbarro, kasinglasa ng Yellow Cab at kasing-arte ng Pizza Hut, may stuffed crust at kung anu-ano pang pampabongga. Ginamit ko yung salitang “bongga” pero hindi ako Brokeback. Tawagin na nila akong homophobic pero isa akong tigasing cowboy na kumakain ng umuusok na pizza sa tuktok ng isang cliff.

Tapos sasakyan ko si Matias hanggang Ortigas. Magkakatrapik-trapik dahil hindi sanay ang mga tao na makakita ng isang cowboy na kumakain ng pizza sa gitna ng kalsada. Maluluma kahit anong sasakyan, kahit yung pinakabagong model pa ng Ford o BMW. Kasi sa totoo lang, pare-pareho naman ang itsura ng mga kotse. Lumalaki lang, lumiliit, numinipis, lumalapad, nadudumihan, kumikinang — pero kotse pa rin, apat ang gulong, ang usok masakit sa ilong, at sayang lang dahil hindi makausad sa buhul-buhol na trapik ng Maynila. Eh yung kabayo ko, kabayo yun. Kulay brown at nag-aapoy ang mga mata lalo na ‘pag nakakakita ng mga makikinis na kabayong babae. Pagtitinginan talaga kami ng mga tao kasi espesyal kami at wala kaming brand. Continue reading

2 Comments

Filed under Random Thoughts

Kung Anong Dapat Gawin sa Mundo

Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Tumutulo laway
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Tayo’y naduduling
Walang mapagsumbungan
Walang mapagtanungan
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Hindi kita matutulungan
Hindi mo rin naman kasi ako kaibigan
Cute ka sana kaso
Ni hindi pa kita nabati kahit kelan
Kaya di bale na
Uwi ka na.
Iyak sa sulok.
Ako rin, magpapakabundat na lang.
Kung anong dapat gawin sa mundo.
Kung anong dapat gawin sa mundo.
‘Di ka pinapahalagahan ng syota mo
Wala ka kasing boobs
Pasensya, wala ko dyang malay
Si nanay puro na lang gulay
Pasko na puro pa rin gulay
Si lolo lantang-gulay
Buhay mo, buhay ko
Ninakawan na ng kapitbahay ng kulay
Kasi ‘di nya rin alam
Kung anong dapat gawin sa mundo.
Kung anong dapat gawin sa mundo.
Magaling ako sa pag-awit
Ikaw naman bihasa sa pang-aakit
Gusto kita.
Eh ano ngayon?
Tang-ina.
Lahat tayo gustong pumuntang Caribbean
‘Di naman natin maispel ng tama
Kailangan pang i-Google.
Leche, ambobo natin.
Nakakulong sa mausok na bahagi ng equator
Presidente natin adik sa vibrator
Tayo naman sa hentai
Puro paputok tapos hindi pwede boga
Sa Bagong Taon.
Kung ako lang, gusto kitang dalawin
Pero lagi na lang umaambon
Kalahating taon na.
Di ba kung ganyan nakakatamad?
Kung anong dapat gawin sa mundo
Mensahe
Kokote
Penge ng libre
Palimos ng kantot
Spare me the gusot
Taglish na nanunuot
Sa kaibuturan ng lipunang mahilig
Sa ingliserang mga mistisa at mistisong
Supot.
Wala ‘kong lente
Walang doktrina
Tira lang ng tira
Sa hangin. Laging may kasalanan ang hangin.
At matatapos nanaman ang araw
Sa dami ng nagbago pwede ka nang ilibing
Gago.
Asa ka pa, asa pa tayo
Ulitin na lang natin para saulo na natin ang mga linya
Masaya yun para tayong bata
Bagamat wala nang mabubuhay na bata mula ngayon
Imposible na dahil lahat ay magugulang na
Angganda kasi ng iPhone mo
Dami mong pera.
Dami nilang pera.
Dami nyong pera.
Lintek na wallet yan, ihulog mo naman.
Dami mong pera.
Maraming matalino
Daming creative, lahat photographer
Kulang ng sculptors
Kailangan ko ng bomba films
Hindi bomba sa Mindanao
Gaya ng lahat, mababaw lang kaligayahan ko
Yung gobernor, gusto lang nya maupo sa pwesto
Hangga’t maaari pati lahat ng mga apo nya
Hanggang matigok sya
Kasi angsarap mamatay ng makapangyarihan
Ganda ng iPhone mo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Tapusin ang isang buong araw ng pagtatrabaho
Magliwaliw sa Internet
Angsarap maging sikat
Sabik sa teknolohiya kasi sa labas ng opisina’y dugyot
Magsimba ka mag-isa mo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Mag-isa mo.
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Pakyu ka
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Sweldo ko pamasahe pa lang said na
Kung anong dapat gawin sa mundo
Leche gusto kita
Kung anong dapat gaw–
Gusto kita
Gusto kita
Gusto kitaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa
Kung anong dapat gawin sa mundo
Pero wala kasi kibit-balikat ka.
Dedma, may ibang liga.
Para kang real property sa US
Binebenta sa’kin ‘di ko naman afford
Sige na
Lipad na.
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Suko na ko sa
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong dapat gawin sa mundo
Kung anong

Leave a comment

Filed under Poems, Random Thoughts

Halika, Basahin Mo Ako.

Halika, basahin mo ako.

Meron akong sasabihin sa’yo na hindi mo maririnig mula sa ibang bibig sa paligid mo — mga bibig na sobrang dada, sobrang daming sinasabi, gusto kang lektyuran kung paano sumakay ng tricycle, humanap ng boyfriend, magsuot ng saplot. Meron akong sasabihin sa’yo kahit wala akong bibig. Meron kang maririnig kahit na walang laway na tatalsik sa mukha mo. Dito sa mumunti kong espasyo na binudburan ng mga salita, narito marahil ang katotohanang magpapaiyak sa’yo.

Dito ko pwedeng sabihin, “Tinitigasan ako” at walang bubusal sa aking bibig. Ito ang aking teritoryo, ang aking sariling kaharian. Ang mga titik “P” at “U,” o “T” at “A” ay aking mga sundalo, handa akong ipagtanggol mula sa mga barbaro kong kalaban na hindi marunong bumasa’t sumulat. Ang mga salita ko rito ay bala, ang mga pangungusap kanyon, mga talata, bomba. At ito, itong artikulo ko, ay isang deklarasyon at aksyon ng digmaan laban sa mga barbaro.

Continue reading

Leave a comment

Filed under Random Thoughts